May bulung-bulungan na isang Japanese-British blogger diumano ang bagong idini-date ni Sam Milby. Sa ngayon ay hindi pa makapagbigay ng detalye ang aktor tungkol dito. “’Yung mga experiences ko dati na sinasabi ko agad about my personal life and then sometimes it doesn’t work out, wala. Normally it doesn’t work out that way. I want to share when it’s the right time. If people want to think that I’m in a relationship or not in a relationship, that’s fine. I’ve been keeping that part of my life very personal and ayaw ko pang i-share. Wala, ayaw ko lang i-share. In the future naman I’ll share,” paliwanag ni Sam.
Nauugnay din ngayon ang aktor kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach. Nagsimula ito nang sabihin ng beauty queen na crush nito si Sam sa aming Fast Talk segment sa Tonight with Boy Abunda. Inamin naman ni Sam na hindi pa niya niligawan noon si Pia. “Well parehas kaming may relasyon noon pa. Nakilala ko siya noon dahil sa showbiz. Bilang kaibigan niya and I’ve known her for such a long time. I find it very flattering na vocal siya sa Fast Talk (segment). I’m very flattered. Si Pia napakaganda, she’s a very genuine na tao. But ayoko naman sabihin na dahil Miss U na siya tapos liligawan ko siya. If I want to go for her, it would be taos sa puso. Hindi dahil lang Miss Universe siya. I’ve known her for a long time, dahil may guilty conscience rin ako,” makahulugang pahayag ni Sam.
“If ever it would be a good foundation kasi we have a good friendship. We still keep in touch. We’ve always had a good friendship. Merong mga times na hindi kami masyado nag-uusap but we used to be quite close naman before,” giit pa niya.
Michael natakot sa tingin ni Nora
Sumabak na rin si Michael Pangilinan sa pag-arte sa harap ng kamera. Kabilang ang singer sa pelikulang Pare Mahal Mo Raw Ako na siya ring titulo ng kantang pinasikat ni Michael. “Ginawa na namin siyang movie. Kasama ko rito si Ms. Nora Aunor, Edgar Allan Guzman, Anna Capri, Katrina Legaspi, Matt Evas, Joross Gamboa and more,” bungad ni Michael.
Naninibago ang singer dahil baguhan pa lamang siya sa pag-arte ngunit tinutulungan naman daw siya ng mga kasamahan sa pelikula. “Acting is a new world for me. I’ve never been into any acting, soap opera or whatever. Una siyempre hindi ko alam kung anong gagawin ko pero habang tumatagal sinasabi nila sa akin kailangan ‘yung arte huwag mo nang iarte, kung paano ka magsalita, kung paano mo gawin ‘yan, paano mo naramdaman ‘yan, dapat gano’n lang,” pagbabahagi ni Michael.
Sobrang kaba ang naramdaman ng singer-actor nang makaeksena ang nag-iisang Superstar. “Ang nakakatakot ‘pag kaharap ko si Ms. Nora Aunor kasi kaeksena mo siya, tapos mata pa lang niya nagsasalita na. So ikaw dapat hindi mo mapakita na na-star struck ka. Ako kasi na-star struck talaga ako kaya nakailang ulit kami,” nakangiting kwento ni Michael.