Hindi umano tumupad si Pangulong Benigno Aquino III sa pangako nitong simulan nang bawasan ang carbon emission sa pamamagitan ng pagbabawal ng coal-fried thermal power plants sa bansa.
Ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles sa panayam sa Radyo Veritas, sa halip na i-discourage ang paggamit ng maruming energy source, pagdating pa lamang ni Aquino mula sa Paris, France, nagpunta kaagad siya sa Davao para sa pagbubukas ng bagong CFPP.
“Salamat at yung Presidente nagpunta sa Paris, pumirma siya na kasali ang Pilipinas sa pag-supress ng further deterioration of the environment, pero pagdating nya dito, nag-attend siya ng opening ng Coal Fired Power Plant sa Davao," ayon kay Arguelles.
Si Arguelles ang chairman ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines-Permanent Committee on Public Affairs (CBCP-PCPA)
Ipinangako umano ni Aquino, sa Conference of Parties (COP21) sa Paris noong nakaraang taon, na tutuparin ng Pilipinas ang isang kasunduan sa ilalim ng United Nations Framework Convention on Climate Change na pabababain nito ng 70 porsyento ang carbon emission sa bansa simula 2015 at hanggang 2030.
Sinabi rin ng arsobispo na pinahihintulutan pa rin ni Aquino ang pagmimina na nakasisira ng kalikasan.
"...Marami syang pinirmahan na mining developments, at saka research at saka yung mga Coal Fired Power Plant, that is a contradiction [sa kanyang sinumpaan sa Paris]," dagdag ni Arguelles.
Dahil dito hinikayat ng arsobispo ang bawat mamamayan at mga lokal na pamahalaan na manindigan at protektahan ang iba pang lalawigan na pinag-iinteresan ng mayayamang kumpanya.
Paalala ni Arguelles, hindi dapat magpasilaw sa pera ang mga lokal na pinuno ng mga lalawigan dahil ang pagiging gahaman at makasarili ang magdudulot ng pagkawasak sa buong komunidad.
Binanggit rin ng arsobispo na sa kasalukuyan, patuloy ang operasyon ng Calaca Power Station na may 600-Megawatt Coal Fired Power Plant sa Brgy San Rafael, Calaca, Batangas.
Ang naturang pasilidad ay pagaari ng DMCI Holdings Inc. na una nang inireklamo ng mga mamamayan ng Palawan dahil sa pagtatayo rin nito ng 15-Megawatt Coal Fired Power Plant sa lalawigan.
Sa kasalukuyan may 17 Coal Fired Power Plants sa Pilipinas, habang nakaamba pang magtayo ng karagdagang 29 na pasilidad hanggang sa taong 2020.
Una nang kinondena ni Pope Francis ang maruming pinagkukunan ng mga enerhiya.
Sa Ensiklikal na "Laudato Si," pinuna ni Pope Francis ang hindi makatarungang gawain ng mga multinasyonal na kumpanya mula sa mga maunlad na bansa o First Wolrd Countries.
Aniya pagkatapos ng kanilang mga aktibidad, sa kanilang paglisan ay nag iiwan sila ng malalaking pasanin sa mga tao at sa kalikasan tulad ng kawalan ng trabaho, pagkaubos ng likas na pagkukunan, pagkakalbo ng kagubatan, pagkalugi ng agrikultura, uka-ukang burol, at maruruming ilog