MANILA – Tuluyan nang ibinasura ng Suprema Court (SC) ang petisyon ng isang abogado at ni dating Mayor Alfredo Lim upang mapatalsik si dating Pangulong Joseph Estrada bilang alkalde ng Maynila.
Nitong Martes, ibinasura ng SC en banc ang motion for reconsideration na inihain nina Atty. Alicia Vidal at Lim na nagsasabing may kondisyon ang pardon na ibinigay ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hindi na maaaring humawak ng anumang posisyon pulitikal si Estrada.
Pero ayon sa Korte Suprema, absolute ang binigay na pardon kay Estrada.
Napatalsik si Estrada noong January 2001 sa harap ng malawakang protesta hinggil sa isyu ng korapsyon sa dalawang taong pamamahala nito bilang presidente. Pinalitan siya ng kanyang bise presidente na si Arroyo at saka nilitis ang kasong plunder ng isang special division ng Sandiganbayan na kung saan nahatulan siya.
Ngunit kalaunan, binigyan siya ni Arroyo ng isang presidential pardon.
Ayon sa en banc, walang pinahayag na bagong argumento ang kampo ni Vidal para baligtarin ang nauna nang desisyon ng korte sa kaso.
Nauna nang bomoto ang high court ng 11-3 pabor kay Estrada.