Nagulat si Senator Ferdinand “Bongbong”
R. Marcos, Jr. sa “mala-Solid North” na pagsalubong na ibinigay sa kanya
ng mga residente at ilang opisyales ng lalawigan ng Occidental Mindoro
na sinasabing balwarte ng Liberal Party.
Dagsa ang mga taong sumalubong sa “Unity
Caravan” ni Marcos sa kanyang paglibot sa bayan ng Sablayan at San Jose
City at natuwa ang senador na marami sa mga ito ay mga Ilokano.
Sa bayan ng Sablayan inindorso ng ilang
kilalang pulitiko ang kandindatura ni Marcos bilang bise presidente,
tulad nina A TEACHER (Advocacy for Teacher Empowerment Through Action,
Cooperation and Harmony Towards Educational Reforms, Inc,) party list
Rep. Juliet Cortuna at Sablayan Mayor Eduardo Gadiano.
“Nung dumating ako dito akala ko ay
nagkamali kami at napapadpad kami sa Iloos Norte dahil marami sa mga
sumalubong sa akin ay mga Ilokano. Salamat sa napaka-init na pagsalubong
ninyo sa akin,” ani Marcos na sinalubong ng pagbubunyi ng tinatayang
6,000 katao sa Sablayan Astrodome.
Sa isang rally sa plaza ng San Jose City
naman, libo-libong mga residente ng lungsod at mga katabing bayan tulad
ng Rizal, Magsaysay at Calintaan ang sumalubong din kay Marcos.
Sa naturang pagtitipon, nagpahayag din ng
suporta sa kandidatura ni Marcos ang mga haligi ng kalakalan sa
probinsya na pinangungunahan ni Pag-asa Grains Center, Inc. president
Cresencio Tiu, at mga kilalang pulitiko tulad ni Calintaan Mayor Renato
Paulino.
Ayon kina Tiu at Paulino, ang plataporma
ni Marcos na nagbibigay suporta sa agrikultura at pondo para sa basic
infrastructure ay kinakailangan para sa patuloy na pag-unlad hindi
lamang ng Occidental Mindoro kundi maging ng buong bansang Pilipinas.
Bilang tugon, nangako si Marcos na
isusulong ang mga polisiya para sa agrikultura tulad ng libreng patubig,
dagdag na irigasyon, murang pautang, mas magandang mga binhi, at dagdag
na farm-to-market roads sa mga lugar kung saan higit na kailangan ang
mga ito.
Dahil sa kanyang 27 taong karanasan sa
serbisyo publiko sinabi ni Marcos sa mga taga Occidental Mindoro na
handa na siyang harapin ang mas malaking responsibilidad bilang bise
presidente ng bansa.
Maliban dito muli ding isinulong ni
Marcos ang kanyang panawagan para sa pagkakaisa ng bansa dahil ito
lamang aniya ang solusyon para matagumpay nating harapin ang maraming
problema ng bansa at makausad ito para sa mas magandang bukas para sa
lahat ng Pilipino.